Mas pinalakas pa ng Department of Energy (DOE) – Luzon Field Office at ng Pamahalaang Lokal ng Sta. Cruz, Ilocos Sur ang kanilang pagtutulungan upang matiyak ang ligtas, maayos, at makatwirang paggamit ng enerhiya sa buong bayan.

Nagsimula ang dalawang araw na aktibidad sa pamamagitan ng isang courtesy visit ng DOE–Luzon Field Office sa Tanggapan ng Municipal Mayor at Municipal Administrator ng Sta. Cruz. Dito ay tinalakay ang mga hakbangin para sa higit pang pagpapatibay ng implementasyon ng mga umiiral na batas at regulasyon kaugnay ng enerhiya.

Katuwang ang mga lokal na tanggapan—kabilang ang Business Permits and Licensing Office (BPLO), Municipal Treasury Office, at Bureau of Fire Protection (BFP)–Sta. Cruz—isinagawa ang isang komprehensibong dalawang araw na inspeksyon sa mga negosyo at pasilidad sa nasabing bayan.

Pangunahing layunin ng inspeksyong ito na masiguro ang buong compliance o pagsunod ng mga negosyo sa mga pamantayan sa kaligtasan at regulasyon ng DOE. Bukod sa pagpapatupad ng batas, naglalayon din ang inisyatibo na mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng pambansang ahensya at lokal na pamahalaan para sa pangkalahatang kaligtasan ng mga negosyo, mamamayan, at ng buong komunidad ng Sta. Cruz.